Pages

Wednesday, July 30, 2003


Lieutenant Senior Grade Antonio Trillanes IV

I got this email from my inbox. I wonder how many and how long this will go.



LIHAM PARA KAY LT SG ANTONIO TRILLANES IV

Mahal kong Lt. SG Antonio Trillanes IV,

Magandang umaga. Nawa'y maigi ang iyong kalagayan d'yan sa stockade. Magpahinga ka muna bago ka humarap sa court martial. Hindi bale nang litisin ka, nakapag-stay sa naman sa Oakwood, samantalang kami, pinaasa mong walang pasok ngayon. KJ ka talaga.

Sinulat ko ang liham na ito para puriin ka sa iyong kagitingan na ipaalam sa buong sambayanang Pilipino ang kabulukang nangyayari sa ating gobyerno.

Mabuhay ka.

Ang problema nga lang, alam na namin lahat iyon, Kapitan Trillanes. Hindi na ninyo kailangan pang magtanim ng bomba at magpapogi sa inyong mga fatigues para lang ipaalam sa buong madla na may mga katiwalian sa gobyerno.

Hindi tuloy ako nakapanood ng Terminator 3, eh malapit nang mawala sa sine 'yon. Okay sana kung nagbakbakan kayo ng mga sundalo ng gobyerno. Mala-THE ROCK saka DIE HARD sana ang nangyari. Kaso, nagsisisigaw lamang kayo sa lobby ng Oakwood. Para ano pa ang inyong mga armband? Sabagay pwede na kayong magtayo ng boutique na ang brand name ay Magdalo. Pwde kayong magtinda ng mga armbands, fatigue-inspired pants, caps at shades. Ipwesto nyo dyan sa Oakwood para strategic ang location at may sentimental value pa. Bebenta kayo, promise. Sa launch ng inyong boutique, pwede kayong maglagay ng mga bomba sa parking lot tapos magpaparty kayo doon. Masaya di ba?

Mabalik tayo sa layunin ng liham na ito. Yung sinasabi mong nagbebenta si Secretary Reyes ng bala sa mga rebelde, aba, lumang balita na 'yan. Alam na naming mga ordinaryong tao yan. Bakit? Kaugalian na nating mga Pilipino ang mag-sideline di ba? Sa opisina nga namin may nagtitinda ng tsinelas, beads, tocino, tapa, muffins saka bags.

Eh hayaan mo nang magbenta si Secretary Reyes ng bala sa kanila, baka gawang Taiwan lang naman yung mga bala na 'yon. Mahirap buhay eh, magkano lang naman sweldo ni Secretary Reyes. Malamang lumilihis yung mga bala o kaya puro supot.

Yun namang sinasabi mong si GMA ang nag-utos ng pambobomba sa Davao, alam na rin naming mga Pilipino 'yon. Kaw naman, Kapitan Trillanes, sa pagka-tsismoso nating mga Pilipino, sino ba naman hindi nakakaalam na gobyerno gumagawa ng mga kalokohang 'yon? Plaza Miranda, Jabidah Massacre, pagpatay kay Ninoy, Rizal Day bombings, at kung anu-ano pang kababalaghan, alam na naming gobyerno gumagawa. Hindi naman kami istupido noh! Sabi nga ng mga taga-Assumption, "We're not like tanga naman..."

Ang drama-drama mo masyado, eh kami namang mga ordinaryong tao tinatawanan na lang mga katiwalian sa gobyerno. May linya ka pang "we're ready to die for our principles." Huuu...if I know, gusto mo lang magpa-spa sa Oakwood kasi sira na ang iyong kutis dahil sa kagat ng lamok sa Basilan. Dapat sinabi mo na lang sa akin, may murang spa dyan sa Quezon Avenue, may "extra" pa.

Ayan tuloy, nagsara Glorietta ng isang isang araw. Lagot ka, milyon nalugi sa mga Ayala. Baka pabayaran lahat sa 'yo yan. At saka naman Kapitan Trillanes, next time kayo magta-take over ng anumang lugar, 'wag naman sa mall. Hindi bagay sa inyong mga fatigues and armbands. Sino ba scriptwriter ninyo? Tsugiin! Mali ang location ng action! Ni walang symbolic o strategic meaning ang Oakwood.

Hindi kayo nanood ng THE ROCK ano?

Hay nako, may pasok tuloy ngayon. Nabitin kami. Pogi points ka pa sa mga girls kasi ang guapo mo sa fatigue. Yun nga lang, you didn't die for your principles. May paiyak-iyak and hug pa kayo. Kaya kayo tinatawanan ng Abu Sayyaf, malalambot ang puso ninyo, madrama kayo masyado. Ganyan ba kayo sa Basilan? 'Pag rat-ratan na, nagyayakapan
na lang kayo at umiiyak? God, it's so nakakahiya naman to the enemy.

Hay nako, Kapitan Trillanes, mag-direct ka na lang ng pelikula ha? Tingin ko mas magaling ka pa kay Ang Lee kasi militar ka talaga. Maganda yung mga subplots na naisip mo. Maganda rin yung mga dialogue mo. 'Pag nag-direct ka na ng movie, make sure may bakbakang matindi sa huli. Yung tipong mawawarak yung buong building. Yun, mas exciting, hindi yung katulad kahapon.


Nagmamahal,
Ang iyong tagahanga




SERYOSONG SAGOT SA LIHAM PARA KAY LT SG ANTONIO TRILLANES IV

Sana nga, ganun lang kasimple 'yun at ganun kadali pagtawanan. Pre, naranasan mo na ba makitang patayin ng kaaway ang isa mong kaibigan? Kung hindi ka NPA, malamang, hindi. Naranasan mo na bang pumatay? Mas mabigat ito. Yung kaibigan na namatay, lilipas din ang sakit noon. Pero yung taong pinatay mo, baka di mo malimutan habangbuhay.

Alam mo ba kung paano makipaglaban ang mga Scout Rangers? Kadalasan, dala ng pangangailangang masorpresa ang kaaway, kailangan mong gamitan ng bayoneta ang tanod sa kampo ng rebelde na lulusubin nyo. Kung naaalala mo pa ang bayonet training mo sa ROTC, di biro pumatay sa pamamagitan ng bayoneta. Mararamdaman mo ang laman ng taong pinapatay mo. Makikita mo pa ang mukha niya habang unti-unti siyang namamatay - makikita mo ang pagkabigla, pagmamakaawa, at ang pagkalungkot sa mukha niya habang nari-realize niya na mamamatay na siya.

Alam mo kung kanino ko ito natutunan? Sa isang miyembro ng RAM na trainor namin sa ROTC (yun ang parusa sa kanila, nademote at inilagay sa harmless na positions sa NCRDC). Alam mo, pre, aktibista ako nung college at meron akong natural aversion at pagkainis sa mga RAM. Tingin ko sa kanila mga Marcos loyalists at Gringo boys na disgruntled dahil di sila nabigyan ng sapat na recognition at reward nung 1986. Pero dun sa 32 days na ROTC training ko sa Fort Bonifacio, natutunan ko ring irespeto ang mga trainors namin. Di naman pala lahat ng RAM/YOU members e mga bobong Gringo fans. At higit sa lahat, natutunan ko sa kanila na di pala "glorious" ang giyera (pangarap ko maging NPA commander dati e).

Akala ko, para sa mga Scout Rangers at sa iba pang mga sundalo, sisiw ang labanan at ang sarap manalo sa labanan. Hindi pala. Doon sa bayonet training namin, inamin nung trainor na yung unang taong pinatay niya sa pamamagitan ng bayoneta, naaalala niya palagi ang mukha at di siya pinatulog ng ilang buwan.

Alam mo pre, tao rin yang mga yan, katulad natin. Mahilig ding makinig ng mga kanta ni Noel Cabangon. Yung trainor namin, si Capt. Flordeliza, narinig ko pa minsan kumakanta ng kanta ng "Asin" - Cotabato.

Di biro itaya ang buhay para sa bayan. At lalong di biro kumitil ng buhay "para sa bayan". At kapag narealize mo na itinaya mo ang buhay mo, at kumitil ka ng buhay para sa mga layuning taliwas pala sa interes ng bayan, pagkatapos mong bangungutin at lahat dahil sa mga kaibigan mong namatay at sa mga "kaaway" na pinatay mo - di ka ba maiinis at kukuha ng M-60 at mag-rarambo? Kung tutuusin, napakaayos pa nga ng ginawa nila Trillanes.

Ewan ko sa inyo, pero ako, kahit na di naman ako nagbuwis ng buhay at di naman ako pumatay, medyo naiintindihan ko ang pagkabuwisit ng mga sundalong ito. Naalala mo ba ang mga sakripisyong hiningi sa atin ng dot-com employer mo? Tapos wala namang kinahinatnan? Ano naramdaman mo nung narealize mo na balewala lahat ng pagpapagod at pagpupuyat?

Ako, naka-tatlong palpak na dot-com at isang palpak na startup ako. Buti ako, meron naman akong naipong IT skills in the process na magagamit ko para bumangon muli. E itong mga sundalong ito, ano ang saysay ng naipon nilang karanasan sa pagpatay?

Pangalawa, pre, paalala lang, di imposibleng totoo ang mga bintang nitong mga sundalong ito. Kung babalikan natin ang kasaysayan, may gumawa na nito 30 years ago. Na-trace na ba kung saan nakakuha ng C-4 ang mga teroristang nangbomba sa Davao? Sa pagkakaalam ko kasi, di madali makakuha ng C-4, at AFP lang dapat ang meron nito sa Pilipinas. Kung "nanakawan tayo" ang palusot, may nag-imbestiga ba kung bakit ganun tayo kadali manakawan?

Hinay-hinay sa pagbibiro, pre. Dahil di na nakakatawa kung totoong pinaglalaruan ng mga pulitiko ang buhay at kamatayan - literally - ng mga Pilipino.

Kung ipinasa nyo sa mga kaibigan nyo yung open letter na nakakatawa, sana ipasa niyo rin ito.


Radamanthus Batnag




LIHAM MULA KAY LT SG ANTONIO TRILLANES IV

Sa aking mga kababayan:

Ako'y natutuwa sa inyong pagdamay sa akin, sampu ng aking mga kasamahan sa military. Nakakatuwa ang mga pangyayari nitong nagdaang Linggo, at sana naman ay naging unique naman ang inyong panoorin. Nakakasawa din naman ang SOP at ASAP. Tingnan nyo naman at pareho silang replay.

Ang tanging hiling ko lang sana ay magkaroon kami ng drama anthology na pagbibidahan namin ni Jolina at Judy-Ann. Pareho ko kasi silang crush. Sana naman ay mayroong magkainteres na director sa aking acting ability. Wala pa akong formal acting workshop niyan ha!


Kung di man ako magkaroon ng showbiz career, puede ko rin namang ipagpapatuloy ang aking nasimulan sa aking thesis. Sa totoo lang, mayroon pa akong 100 na thesis na gusto sanang ipagbili sa Recto. Dahil meron na rin naman akong media mileage, palagay ko naman ay mataas na sa singkuwenta pesos ang bentahan ngayon ng mga thesis ko, di ba?

Nais kong ipahatid ang aking katuwaan at kaligayahan sa mga suhestiyon niyo tungkol sa pagnenegosyo. Matagal ko na talagang iniisip ang fashion designing bilang career. Wala pa kasing militar na naging fashion consultant. Puede na ba ang "Magdalo's Fashion and Beauty Center?" Sana naman ay mabigyan nila ako ng business space diyan sa Rustan's para naman malapit-lapit din sa Oakwood -- nagkaroon na kasi ng sentimental effect ang lugar na yan para sa akin.

Sa aking mga kapatid sa military, inaanyayahan ko kayo na magsimula na ring mag-isip ng inyong mga gimik. Marami pa akong thesis na naisulat ---- coup de' etat sa Enchanted Kingdom, military take over sa Music Museum o kaya nama'y pag-aaklas sa Splash Island. Siguraduhin niyo lang na pagdating ng 5:00pm ay handa na kayong magsisigaw ng "Joke!
Joke! Joke!"

Muli ay nagpapasalamat ako sa inyong pagsubaybay sa aking military, at marahil, sa aking movie career. Aasahan ko ang inyong pagsuporta.


Umaasa,
Lt. SG Antonio Trillanes IV




SAGOT SA LIHAM NA KUMALAT KAHAPON

Sa tagahanga na gumawa ng liham para kay Lt.SG Antonio Trillanes IV. Naway nasa maganda ka ding kalagayan habang binabasa mo ang liham na ito.

Sinulat ko ang liham na ito para puriin ka sa kabobohan mo at katangahan mo. At pagbubulag-bulagan mo sa nangyayari sa bansa natin.

Nakuha mo pang gawing katawa-tawa ang mga nangyayari ngayon. Sa bagay dyan tayo kilalang mga pilipino. Tawanan lang ang problema ok na, next time na lang ulit.

Oo medyo may pagka gago at katangahan ang ginawa ng mga sundalo doon pero di mo ma-ipagkakaila na may mga seryosong issue na muling bumulaga sa isipan ng maraming tao.

Alam mo na palang lahat ang nangyayari noon pa, eh ano ang ginawa natin, sumulat ng liham at gawing katawatawa ang nangyari at ikalat sa email para lahat ng pinoy sa buong mundo ay masiyahan man lamang at makalimutan panandalian ang matagal na palang problema ng bayan?

Saludo ako sa iyo dahil kung sa tingin mo ay tanga at gago ang ginawa ng mga sundalo, eh mag-isip ka di kaya ikaw ang mas-gago at bobo?

Oo nga nag sisisigaw lang sila sa oakwood pero ikaw may ginagawa ka ba sa matagal mo na palang alam na problema ng bayan?

Palibhasa hindi ka siguro nakatira sa Mindanao at hindi mo nararamdaman at nararanasan ang mawalan ng lupa, tirahan at mahal sa buhay. Patuloy nating kinukutya ang mga kapatid nating muslim sa Mindanao. Bat hindi natin sila subukan kilalanin at pag-aralan ang

kanilang relihiyon na ating tinatawanan at minamaliit. Kung tawagin pa nating mga PAGANO (sumasamba sa diyos-diyosan) hindi ba natin ginagawa ang mga bagay na yun?

Oo nga pala kung sa tingin mo ay malalambot ang puso ng mga sundalo. Yyan dapat matuwa ka pa kasi kung Abu Sayaf yan malamang napugutan ka na ng ulo. Tandaan din natin galing sa gulo sa Mindanao, (kung saan alam mo na pala na gobyerno ang nag umpisa) ang mga sundalong ito alam nila ang pakiramdam ng taong pumapatay at makakita ng taong pinatay kaya wag mong i-small-lin ang mga taong ito.

Malamang sabihin ng iba na masyado akong seryoso, matanda na, walang sense of humor etc. Maaari rin nga na tumatanda na ako kaya ganito ako mag-isip. Pero malamang din ang iba sa inyo na nagbabasa nito ay mga magulang na, may mga nakakababatang kapatid at pamangkin.

Bat hindi natin isipin na ano na lang ang mangyayari sa kanila kung tayo ay wala na? Yan na lang ang kaya natin ipamana sa kanila ang magyabang, malaking bahay, magandang kotse, mag patawa sa malaki at eryosong problema, mag paligsahan, pagalingan, padamihan ng pera, atkung sino ang may kapangyarihan?

Kawawa naman ang mga sanggol na hindi pa ipinanganganak, Batang tatanda at papalit sa atin. Sabagay paniwala nga naman natin na madadala natin ang mga yaman na yan sa kabilang buhay, hindi ba?

May awa din ang Diyos magkikita kita din tayo at pare-pareho tayong hinuhusgahan, hindi sa yaman, lakas, karunungan at puwesto sa lipunan kundi sa ating ginawa habang tayo ay buhay pa. Ang corny pakinggan di ba? Pero paki-usap ko sa inyo mag isip tayo ng malalim. Binigyan tayo ng talino para d lang gamitin sa kagaguhan ang ating isip. Sayang naman ang regalo sa iyo.

Magna Cum Laude, engineer, doctor, lawyer, immigrant sa ibang bansa ka nga bastos at walang modo ka naman. Naka neck tie ka nga magara ang sasakyan, maganda ang bahay, magandang asawa sampu ang seksing batang kabit, wala ka na mang pakialam sa ibang nasa paligid mo o anong mga nangyayari sa bayan mo. Mas gugustuhin ko pa ang mga taong nag-hihikahos at mukang busabos makakain lang ng 3 beses isang araw pero malinis ang kalooban.

Sana naman magising na tayo? Hindi ba kayo napapagod sa paulit-ulit na nangyayari sa buhay nating mga pilipino. Oo nga pala enjoy tayo pag may nang yayaring ganito sa bayan natin, sorry nakalimutan ko!



Nagmamahal,
Ang taong may malasakit sa kapwa tao