Pages

Friday, July 25, 2003


Kape, Trabaho, Hapunan atbp...

Gaya pa rin ng sinauna, ang kape ay isang inuming kung ihahambing ay parang tubig na lamang para sa akin. Sa totoo lang nililimitahan ko na ang paglagok ng aking paboritong inumin. Masama daw yun sa aking kalusugan. Noon, hindi ko na alintana ang gayong isipin. Mula nang makaniig ko si Starbucks @ Seattle's Best, wala akong naging pakialam sa sasabihin ng sino man. Ang mahalaga, maligaya ako sa pagnamnam at paghigop ng nakaka-adik at nakaka-hyper na inuming ito.

Bilang pagsisimula sa pag-aalaga sa aking kalusugan, sinumpa ko sa aking patay na kuko sa paa na malilimitahan na lang sa isa o dalawang tasa ang aking iinumin. Siempre, walang kinalaman kung gaano kalaki pa ang tasa na aking gagamitin. Isang tasa pa rin ang bilang nun. Tinutukoy ko dito ay hindi simpleng tasa. Isang kulay asul na "travel mug" ang lagi kong kapiling sa tuwing hinahanap-hanap ng sistema ko ang nicotine ng kape. Kung tatantiyahin, dalawa (2) at kalahating tasa ang katumbas ng aking "travel mug." Sa madaling salita, dalawa at kalahating tasa ng kape ang aking tinutungga sa mga oras na ito.

Dahil sa kinakailanganin ko ngang gisingin ang natutulog kong diwa, tinira ko ang napakasarap na kapeng ito. Tambak pa ang aking gampanin sa araw na ito. TGIF nga, hindi ba? Kailangan kong tapusin ang mga bagay-bagay na may kinalaman sa aking hanapbuhay upang sa pagsapit ng Lunes, maalwan ang aking kalooban habang sinisimulan ko ang bagong bukas.

Datapwat sa aking palagay, hindi ko lahat matatapos ang lahat ng ito. Isa lang naman ang ibig sabihin non. Kailangan kong magbitbit at mahalukipkip na naman ng mga papeles at dokumento sa aking pag-uwi. Isang kalahating araw na naman ang iuukol sa pagtapos ng inuwing gawain. Hay buhay!

Kailangan ko na pala magligpit at mag-ipis ng aking mesa. Kailangan ko na ilagay sa ayos ang kaguluhang tumatakip sa salamin ng akong mesa. Alin ba dito ang kailanga kong itabi? Alin naman dito ang kailangan kong iuwi? Kaiangan ko nang mag-ayos. Ilang minuto mula ngayon ay darating na si
Dex upang ako ay sunduin. Araw-araw na walang palya niya ako sinusundo dito sa tanggapan at ihahatid nang matiwasay sa aking tahanan. Subalit, may napagkasunduan kami na dumalo muna sa isang paanyaya ng isang mabuting kaibigan. Mula sa Makati ay didiretso na kami tungo sa Quezon City. Ang hapunan ay magaganap sa isang bar/restaurant sa Timog. Ang ngalan ng nasabing restaurant ay Moomba. Narinig ko na sa kung saang lupalop ang lugar na iyon. Ngunit, hindi ko na rin masasabi kung saan dahil baka ako ay nagkakamali lamang. Kung matatandaan, nasabi ko na nang minsan na ako ay tunay na walang alam sa mga bagay na iyan. Mahina ang aking tinatawag na "sense of direction." Hahaha!

Naisip ko lang kung kumusta na sila. Napakatagal na rin naming hindi nagtatagpo. Malamang mauubos na naman ang aming oras sa walang tapos na chikahan. Sana super-masaya?!